Marso na naman at syempre pag ganitong buwan, marami na sa atin ang nag-iisip ng isang masaya at bonggang-bongang summer vacation. Minsan gusto nating gumala at magpakawala na lang sa dagat, sa nature at saang sulok man ng bansa kung saan pwedeng ipost sa Facebook at ipagmayabang na napadpad tayo sa lugar na yun.
Marami ngang nagsasabi isang status symbol na ang mga travels. Me point nga naman sila. Naalala ko nung nasa dorm pa ako, ang aming mga summer get-away ay hanggang sa mga dagat ng La Union at Pangasinan lang. Minsan umaakyat din kami ng bundok kaya minsan napagtripan naming akyatin ang Bundok ng Sto. Tomas sa Baguio. Eto yung bundok na makikita sa Marcos Highway kung saan me dalawang radar na parang tenga ni Mickey Mouse. Yun ang inakyat namin. Me makikita kang wild strawberry sa tuktok ng bundok at alam nyo ba kung anong lasa ng wild strawberry?
Hindi ko alam. Hindi ko tinikman eh.
Kasabay syempre ng masayang lakaran ang mga digital puto este photo pala. Guilty ako bilang mahilig sa mga larawan at pagkuha ng mga pictures sa nature, sa location kung saan tanaw ng aking paningin. Naalala ko pa ang tanging pictures namin noon ay gray sands sa dagat pero ngayon me “Jump-Shot” na sa mga white sands ng mga beach. Nag-evolved na ata talaga ako.
Sa lahat ng lakaran frustration ko pa rin ang hindi ko alam kung panu lumangoy. Maraming dagat at ilog sa Pangasinan pero hindi ako nagkaroon ng chance at syempre lakas ng loob matutong lumangoy. Sumisid? Hmm pwede pa depende sa sisisirin. Kung swimming pool ok lang pero pag mga lake naku pass ako dyan. Kaya noong magkayayaang magsnoring este snorkeling sa Palawan, naku isang Fear- Factor ang aking naramdaman. Me phobia kasi ako sa tubig, muntik kasi akong malunod noon the junior pa ako. Pangarap ko pa naman gayahin ang mga Anglo-Saxons based sa Old English Literature (gising ako pag kwentuhan sa literature) kung saan sila ay matatapang at sea-fairer, kaya nilang mamuhay at magpalutang lutang ng matagal sa karagatan.
Before muna magkayayaan sa mga lakaran this summer, kwentuhan ko muna kayo about sa ending ng semester sa dorm. Rewind muna tayo sa dorm days ko. Bukod sa busy kami nag-rereview sa mga final exams, hinahabol din sa dorm ang paghahanda sa “Tribute to the Graduates”.
Ano ba ang “Tribute to the Graduates”?
Eto ang final activity sa dorm every semester kung saan binibigyan ng tribute ang mga graduating interns. Isang simpleng party eto kung saan sikat ang mga kuyang pagraduate. Ang sayang isipin na after ng mahabang taon ng pamamalagi sa dorm heto at aalis na ang mga kuya namin. Kami naman na ang papalit sa pwestong iiwan nila, ang maging kuya naman sa mga bagong interns na papasok sa dorm. Ganito naman lahat ng aspeto ng buhay. Me aalis at meron din papalit. Gaya ng sabi ni Big Brother ang lahat ng eto ay nangyayari sa “takdang panahon”.
Isa sa mga pinakahihintay sa Tribute to the Graduates ang mga speech at messages ng mga graduating interns. Madalas hinihintay namin ang mga speech ng mga maloloko naming mga kuya. Kakaiba kasi pag sila na ang nasa harap. For the first time they will conquer the stage. Eto ang fifteen minutes of fame nila. Kaya naman sinusulit ng mga kuya ang pananatili nila sa limelight. Eto ang kadalasang pakulo ng mga graduating interns:
Attire: Syempre kagalang-galang ang mga graduating interns sa gabing eto. Kaya naman naka-kontodo longsleeve at nectie ang mga kuya. Syempre me mga pasaway pa rin. Me iba ok na ang lahat. Plantsadong long sleeves, saktong haba ng necktie, khaki na pants sa busog din sa plantsa pero sa me paanan… “NIKE White Rubber Shoes”. Ginawang parang NBA draft ang Tribute kung saan formal na lahat maliban sa sapatos.
Attendance: Yung ibang graduating interns eh halatang excited, maagang umuuwi para makapaghanda. Me iba naman sobrang mahiyain talaga at hindi dumadalo sa gabing nakalaan sa kanila. Kalokohan kung tutuusin, me tribute na nga at minsan lang yun sa buong stay sa dorm pero umaabsent pa rin. Ang iba naman well as usual late “kuno” or sige na nga benefit of the doubt valid daw ang excuse kung kaya late sila. Syempre pag late ka Grand Entrance ka papunta sa harap! Sikat!
Standing Ovation: Ang iba pagkatapos magsalita sa harap ang gagawin papatayuin ang mga tao sabay request ng masigabong palakpakan. Ayun instant Standing Ovation agad! Panalo!
Batian Portion: Eto ang pinakamasaya sa lahat ang mga banat ng mga kuya namin. Syempre gusto naming mga maiiwan na masabit sa listahan ng mga pasasalamatan ng aming mga kuya. Kaya naman mula sa pinaka unang rummates (kahit wala na sa dorm) hanggang sa pinakapresent (ehem palakpak agad) na rummate eh babanggitin, babatiin at papasalamatan. Kasama rin sa listahan ang mga dorm masters na mababait at kaclose ng mga kuya, mga kaibigan, kaberks, kasama sa yosi, sa inuman, sa kalokohan at sa mga naging kaaway na rin. Parang sa show sa Wowowee kung saan ang hahaba ng mga litanyan ng mga binabating mga tao. Hinding-hindi ko makakalimutan ang ginawa ng isang kuya namin. Gumawa talaga sya ng listahan at ginawang rolyo na parang tissue paper. Sabay pagsapit ng batian portion ng speech nya sabay bagsak ng rolyo. Sobrang haba ng listahan lagpas sa podium sa stage! Syempre isang pilit na ngiti na lang ang mapapansin sa mga emcee at management kasi sobra na sa allotted time! Kakapusin na ang oras para sa programa! (hay stressful maging emcee!).
Ganito kasaya ang simpleng tribute sa mga kuya namin. Bilang pagpapatunay ng lehitimong stay nga mga graduating interns, me certificate at token as remembrance na binibigay sa kanila. At syempre after ng mga party wala na namang makikinig sa closing remarks nakapila na kasi lahat sa PAGKAIN!!! Yahoo!
After five years ko sa dorm… naranasan ko rin magsalita at maexperience ang fifteen minute of fame under the limelight sa gabi ng Tribute to the Graduates.