Panagbenga na naman sa Baguio. Masarap na naman magstrolling sa Session Road sa gabi after ng mga parades. Isang linggong sarado sa trapiko ang pinakasikat na road sa Baguio kung saan flowers are everywhere at syempre me mga pagkaing nakahain din at nakabalandra sa mga booth na parang kabuteng nagsulputan sa gitna ng daan.
Paborito namin magstroll at magfood trip sa Session Road. Kaya madalas ubos ang mga Leave Pass Form sa Dorm at tahimik ang dorm kasi lahat ng mga intern sa ay nagkalat sa Session naglalakad at nag-eenjoy sa lamig at simoy ng iniihaw na barbeque at panindang steamed Japanese sweet corn! Kanya-kanyang lakad ang mga interns. Magkaakbay ang mga magsosyota. Minsan group dates pa nga minsan ang tema ng iba. Isang buong barkadang lakad naman ang gimik ng ilan lalo na ang mga walang partners at mga repapips na may malamig na gabi. Nasubukan ko na ang magstroll mag-isa, kasama sa grupo, with special someone at balik sa mag-isa ulit.
Masarap din ang feeling ng naglalakad lakad sa gabi tapos me makikita kang mga kakilalang kaibigan, old classmates noong highschool, pinsan, kamag-anak, magulang, ninong at ninang, lolo at lola sa Session. Naalala ko paramihan pa kami ng gf ko nun ng kakilalang makakasalubong sa Session. Ang matalo eh magttreat ng pagkain while strolling. Masarap din kumain ng icecream, burger, inihaw, shawarma at binatog habang nanonood ng live concerts ng mga banda sa taas ng Session. Nagkalat din ang pagpapahena tattoo, face painting at kung anu-anu pang gimik at pakulo sa Session.
Parang isang masaya at maingay na siyudad ang Baguio tuwing Panagbenga. Parang walang problema ang mga tao lahat gusto gumala, kumain, maglakad at at mag-enjoy sa lamig at musika sa gabi ng Panagbenga.
Plano kung bumalik next week sa Baguio sa huling linggong sarado ang Session. Kahit wala akong kasama aakyat ng Baguio alam ko namang meron at meron akong makikita at makakasalubong na kakilala ko dun.
Sa lahat ng gustong mag Panagbenga… TARA NA!!!